Tuesday, February 10, 2015

an ode to my good-old-alak-days


uupo
pupwesto 
bubuo ng bilog na hugis

maatasan ang isa
na syang taga buhos ng inumin
na tila bagang tantyado ang sukat

iikot ang baso
iikot ang usapan
aalingawngaw ang tawanan

paulit-ulit ang paksa
mga balik-tanaw sa nakaraan
sa kabataan at kahapon

kamakailang beses dadaan ang baso
may ilan na pipiliin munang sumablay
may ilan naman na handang sumalo ng tagay

sa grupo may mahilig bumida ng kwento
may suki ng asar at biro
may tahimik na tumatawa lang sa sulok

eto ang isa sa mga paborito kong sandali
sa aking paningin, tumatakbo nang marahan ang oras
habang pinagmamasdan ko ang bawat isa

naanino ko ang saya at kung gaano na katagal ang pagsasama
kinukunan ko ng larawan sa aking isipan ang kanilang mga ngiti
at isinisilid ko sa aking memorya ang mga kwento

eto ang mga sandaling walang bahid ng pagkukunwari
ang bawat isa ay masaya
ang bawat isa ay totoo

isang magandang baon para bukas
na syang magtuturo sa'yo kung saan ka babalik at tutungo
ang mga tao at kwentong tatatak sa iyong pagkatao
  

...at ipapasa muli ang baso



0 comments:

 
;