Thursday, January 15, 2009

wala ako rito

Sa bawat pag gising ko sa umaga, napapatanong ako kung nasa anong taon na ba ako? Maaaring bigla na lang akong magising sa dekada 60 o 70, malay mo di ba? Malay mo makabalik ako sa panahong iyon. Hindi naman ako ipinanganak sa dekadang iyon pero doon ako nabubuhay. Kung mangyari man...langit!!! May naka-imbento na ba ng time machine? Kung meron, pasabi naman na hi-hitch ako ha.

Nangangapa pa rin ako sa kasalukuyan. Ang hirap bumagay, ang hirap makipaghabulan sa lahat ng bagay. Ang bilis ng oras at pagbabago. Hindi naman sa may gusto akong balikan o ulitin, mas naayunan ko ang pamamaraan ng nakaraan. Halika at ililista ko ang ilan:

Musika
Dekada 60 at 70 nabigyan buhay ang magagandang musika. Ang mga titik at melodya na tila hinehele ang iyong puso at kaluluwa sa di mawaring karimlan. Musika tulad ng Crosby,Stills & Nash na may ipinaglalaban at may pitik ng pagka-rebelde, Michael Franks, Sergio Mendes, Carpenters, Carole King, James Taylor, Bob Dylan, Spiral Staircase, Tavares, Blue Magic, Earth Wind & Fire at marami pa. May iilang musika naman mula 80's hanggang kasalukuyan na nasasakyan ko (hmmmm...to the left, to the left!). Ngunit walang katulad ang oldies.

Kasuotan
Totohanan na. Naiirita ako pag nakakakita ako ng mga batang pinagsusuot kung anong "latest fashion". Dati naman basta bata ay ternong kulay na up-and-down na damit, medyas na may lace o abot hanggang tuhod, naka-suspender, o mighty kid na sapatos ay ayos na. Bakit ngayon nagmumukhang matured ang mga chikiting. Nagmamadali ba sila? May idea na sila kung ano ang uso, sexy at gwapo. Pwede bang maging bata na lang muna sila?

Kagamitan
Mahilig ako sa vintage na gamit hindi sa kadahilanang mas mahal kundi dahil sa kwento ng bawat lumipas na taong nasaksihan ng kagamitang iyon. Hanggang ngayon, buhay pa ang tv namin na die-pihit ang channels at yung may parang sliding windows pa. Buhay pa din ang de-plakang player, mga larawan ng aking lolo at lola, at kung ano-ano pang napagkasya namin sa bodega.

Kaugalian
Naalala ko pa nung mga panahong tumatakbo ako papasok sa bahay tuwing tutunog ang kampana sa alas sais ng gabi. Bawal na maglaro sa labas pag ganung oras. Tuwing bilog ang buwan ay kakalong ako sa lola ko sa may bintana at hihiling kami sabay sa buwan o di kaya magkukuwento sya. Pag walang pasok naman ay sasama ako kay lolo doon sa barber shop, bibilhan nya ako ng dulce o di kaya richie habang naghihintay tapos may halo-halo pagkatapos kina Lolo Yuling (halo2x na de-mana ang pag crush ng ice). Na-miss ko tuloy amoy ng pomada ni lolo. Hindi ko na nakikita ang ganun sa ngayon dahil ang mga bata nahuhumaling na sa teknolohiya. May nakasabit na psp, mp4 o cellphones sa leeg at di makausap dahil naka headphones. haaaay...

Ang dami ko pang pwedeng ikwento pero nauubusan na ako ng oras dito sa upuan ko kasi uuwi pa ako. Oo nga pala bago matapos ang blog na'to...dekada 80 ako ipinangak kaya burahin mo sa isip mo na matanda na ako! 1985 para sigurado, klaro?! "Mabilis ang oras dahil tumatakbo eto"

0 comments:

 
;